Kutos ang Inabot ng tatlong pulis!

Kutos ang Inabot ng tatlong pulis!

Dahil sa matinding gigil,  muntik nang gulpihin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director, Chief Supt. Guillermo Eleazar ang tatlong bagitong pulis Maynila na  nangotong sa sampung drug suspects na kanilang dinakip nitong Miyerkules ng madaling araw.

Ang tatlong  PO1 ay nagpakilalang mga tauhan ng PDEA sa kanilang hinuling drug suspects.

Matinding kutos ang inabot ng tatlong PO1 kay Eleazar nang magkaharap ang mga ito noong Huwebes. Ang mga PO1 ay sina Radam Manglicmot, Edmar Cayanan at Jeff Pee Calaguas. Ang tatlo ay nahuli sa entrapment operation na pinangunahan mismo ni MPD director C/Supt. Rolando Anduyan sa loob ng presinto.

Hinuli ang tatlong PO1 matapos magsumbong ang asawa ng biktima kay Anduyan. Nagsimula ang negosasyon sa P300,000 kapalit ng paglaya ng babaeng hinuli ng tatlong pulis. Sa kalaunan ay bumaba sa P50,000 at magbabayaran sa loob ng presinto. Kumagat naman ang mga PO1 kaya ikinasa ni Anduyan ang entrapment operation at nahuli ang tatlo.

Maging ang hepe ng mga nahuli na si Supt. Emerey Abating ay sinibak din  sa kanyang pwesto dahil sa command responsibility.

Nakaharap ni Eleazar ang tatlong pulis at sa gigil nito ay kinutusan na lamang niya imbis na gulpihin ang mga ito.

Ayon kay Eleazar, sinibak at kakasuhan ang tatlong bagitong polis dahil sa ginawang pag-aresto ng mga ito sa sampung drug suspects.